National News
ROBREDO, HINDI PABOR SA PAGTANGGAL NG SWAB TEST AT QUARANTINE BILANG TRAVEL REQUIREMENT
HINDI PABOR si Vice President Leni Robredo kaugnay sa desisyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na tanggalin ang mandatory swab tests at quarantine bilang travel requirement.
“Hindi din sa akin okay na inalis na ang testing saka quarantine protocols. Para sa akin delikado iyon lalo pa ngayon na mataas ang cases natin,” pahayag ng bise presidente.
Sa radio program ni Robredo, sinabi nyang nangangamba siya na baka biglang tataas ang kaso ng COVID-19 sa mga lugar na may mababang kaso ng sakit dahil sa nasabing hakbang.
“Kasi ‘di ba, naalala mo, for very long time noong early days pa, ang cases concentrated lang sa Metro Manila. Pero noong nagkaroon na ng LSIs, nag-spread na all over the country. Ayaw sana nating mangyari iyon ngayon. So para sa akin, okay to standardize pero kaya parati ko sinasabi, na dapat kabahagi sana ang IATF—iyong mga representatives ng mga LGUs,” dagdag pa ni Robredo.
Mababatid na nakasaad sa unified travel protocols ng IATF na hindi na kailangang sumailalim pa sa RT-PCR test ang mga biyahero maliban na lang kung requirement ito ng LGU.
Hindi na rin mandatory ang 14-day quarantine maliban na lang kung may sintomas ito ng #COVID19 pagdating sa kanilang destinasyon.