Government
Sara Duterte Ipinagtanggol ang Sarili Laban sa Tawag na ‘Bratinella’
MANILA, Philippines — Matapang na pinanindigan ni Bise Presidente Sara Duterte ngayong Lunes, Setyembre 9, ang kanyang hindi pagsagot sa budget deliberations ng House Appropriations Committee para sa Office of the Vice President (OVP). Ayon sa kanya, hindi sanay ang ilang mambabatas sa kanyang matapang na mga sagot.
Sa isang video na ibinahagi sa media, ipinaliwanag ni Duterte na nais niyang laktawan ang tanong at sagot na bahagi ng budget hearing ng OVP noong Agosto 27 dahil may mga ‘ilang mambabatas’ na ginagamit ang pagkakataon para siya ay pasaringan. Sinabi rin niya na ang tawag sa kanya na ‘bratinella’ ay parte ng mga politikal na atake laban sa kanya.
“Hindi ako ‘bratinella’ o spoiled brat dahil kilala nila ako simula noong ako ay nasa Davao pa, simula ng ako ay mayor pa hanggang naging Vice President ako, kilala ako ng taumbayan na hindi ko inaabuso ang aking power and ang aking authority sa lahat ng mga opisina na nahawakan ko,”
“Ayon kay Duterte, ‘Hindi lang sanay ang iilan na miyembro ng House of Representatives na sinasagot sila.’ Hinimok din niya ang pagpapalit kay Quimbo bilang presiding officer ng OVP budget hearing ngunit hindi ito pinayagan.
Sinabi ni VP Sara na; Nakalagay ‘yan sa ating Saligang Batas na ang Kongreso natin ang mayroong ‘power of the purse.’ Kaya nga, diba, mayroong mga budget hearings,”.
“Kinikilala natin ‘yan, kaya nga pumunta tayo doon sa Senate hearing. Pumunta tayo doon sa House of Representatives na hearing dahil nagpresenta tayo ng budget. Ang ginawa ko lang ay sinabi ko na ipa-forego namin ‘yung question and answer na parte ng budget hearing,” dagdag pa niya.
Nilinaw ni Duterte na ang pag-forego sa pagkakataong sumagot sa mga tanong ng mga mambabatas ukol sa panukalang budget ng OVP ay hindi nangangahulugang tumanggi siya sa pagsusuri ng pondo ng kanyang opisina.
Sinabi rin niyang hindi tumangging masuri ang kanyang opisina at naglathala naman daw ng detalyadong budget proposal online.
Sa kasunod na bahagi ng panayam na ilalabas bukas Setyembre 10, inaasahang higit pa na lilinawin ni Duterte ang kanyang posisyon. Ang House Appropriations Committee ay magpapatuloy ng pagdinig ukol sa budget ng OVP bukas at hindi pa tiyak kung personal na dadalo si VP Sara o isang kinatawan lamang ang ipadadala niya.