National News
SATISFACTION RATING NI LENI LALONG SUMADSAD— SWS
SOBRANG dismayado ang milyon-milyong Pinoy sa performance ni Leni Robredo bilang ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa kasabay ng pagsadsad ng kanyang net satisfaction rating sa +1 sa fourth quarter ng 2021.
Ibig sabihin bumulusok ng 23 puntos mula sa kanyang dating numero na +24 ang kanyang performance rating, ayon sa Social Weather Stations (SWS) survey.
Ayon sa fourth quarter 2021 SWS report nitong Biyernes, lumalabas na ang performance rating ni Robredo ay sumadsad ng 23 puntos mula sa “good” rating na +24 noong Setyembere 2021 pero ngayon ay +1 na lamang.
Ibig sabihin nito ay puro palpak ang trabaho niya bilang vice president ng bansa.
Lumabas din sa survey na isinagawa noong Disyembre 12-16, 2021, sa 1,440 respondents, na ang percentage ng “dissatisfied” at “satisfied” Pinoy sa “unimpressive” performance ni Robredo ay magkadikit na 40 porsyento at 41 porsyento, ayon sa pagkakasunod.
Si Robredo na tumatakbong pangulo ngayong 2022 elections, ang may pinakamababang performance satisfaction rating sa lahat ng opisyal ng gobyerno na kabilang sa survey.
Mas mataas ng milya-milya sa kanya si Senate President Vicente Sotto III na nakapagtala ng +52 net satisfaction rating, o 65 porsyentong satisfied rating at 14 porsyentong dissatisfied.
Samantala, si Speaker Lord Allan Velasco naman ay nakakuha ng +5 net satisfaction rating, o 29 porsyentong satisfied at 24 porsyentong dissatisfied. Si Chief Justice Alexander Gesmundo naman ay +6 net satisfaction rating, o 26 porsyentong satisfied at 20 porsyentong dissatisfied.
Ipinunto pa ng SWS na ang pagbulusok ni Robredo ng 23 puntos sa kanyang net satisfaction rating ay resulta ng pagbaba ng kanyang mga numero sa halos lahat ng lugar, partikular sa Mindanao.
Sa Metro Manila, ang net satisfaction rating ni Robredo ay sumadsad mula +1 (neutral) at naging -16 (poor). Sa Visayas, mula +47 (good) at naging +27 (moderate), at mula +20 (moderate) naging -27 (poor) sa Mindanao.
Maging sa “Balance Luzon”, bumaba rin Ito mula +24 noong Setyembre 2021 at naging +10 nitong Disyembre.
Maging ang urban net satisfaction rating ni Robredo ay kapansin-pansin ang pagsadsad mula +13 (moderate) at naging -13 (poor) nitong Disyembre 2021. Ang rural net satisfaction naman niya ay bumaba mula +34 (good) at naging +14 (moderate) nitong Disyembre.
Idinagdag pa ng SWS survey na bumagsak din ang rating ni Robredo sa mga kalalakihan mula +17 (moderate) at naging -4 (neutral) at mula naman sa +32 (good) naging +6 (neutral) naman si Robredo sa mga kababaihan.
Bumaba rin ang bilang ni Robredo sa mga may idad na 18-54 na Pinoy, mula +16 hanggang 26 nitong Setyembre at naging -5 hanggang +2 nitong Disyembre.
Maging sa 55 taong gulang pataas ay bumagsak din ang bilang ni Robredo mula +32 noong Setyembre at naging +6 nitong Disyembre.
Nakagugulat din na maging ang kanyang net satisfaction rating sa mga junior high school graduates ay sumadsad sa +15 (moderate) nitong Setyembre at naging -1 (neutral) nitong Disyembre. Ang kanyang rating naman sa mga estudyante ng kolehiyo ay malaki rin ang ibinaba mula +20 (moderate) nitong Setyembre at naging +1 (neutral) nitong Disyembre.
Pinansin naman ng ilang political expert na karamihan ng lugar na bumagsak si Robredo ay ang mga tinatawag na “vote-rich” regions sa tuwing may halalan.
Paniwala rin nila na ang resulta ng naturang survey ay posible ring magiging resulta ng kahihinatnan ni Robredo sa darating na halalan sa Mayo 9.