National News
Sen. Bong Go, tinawag na ‘attack dog’ at tamad si Trillanes
Itinanggi ni Senator Bong Go ang mga akusasyon ni Trillanes na sangkot siya sa katiwalian sa gobyerno.
Nitong Biyernes, sinampahan ng kasong graft and plunder ni former Senator Antonio Trillanes si Senator Bong Go at former president Rodrigo Duterte kaugnay sa maanomalyang pag-award ng P6.6-B halaga ng infrastructure projects.
Depensa naman ni Go, lumang tugtugin na ito pero welcome sa kanya ang mga ibinabato ni Trillanes sa kanila, “I have yet to see the verified complaint. But, since this is essentially the same accusation they hurled against me before, I categorically deny the allegations against me and former President Rodrigo Duterte.”
“I welcome these moves to finally put an end to these often-recycled issues against us. Mabuti nang silipin sa mga akusasyong ito, may irregularity ba talaga? May naging transaksyon ba na disadvantageous sa government? May nanakaw ba? At may linkages ba sa akin na nagsasabing nakinabang ako sa anumang transaksyong ito? COA can find out. And, if there is, it is for COA to file the necessary charges,” saad ng senador.
Idiniin ni Go na matagal nang may negosyo ang kanilang pamilya at hindi siya nakinabang maging ang kaniyang pamilya sa pagpasok nito sa pulitika.
“For the record, wala pa ako sa mundong ito ay meron nang negosyo ang pamilya ko. Ang sinisigurado ko, hindi ako nakinabang at hindi nakinabang ang pamilya ko sa pagiging taong gobyerno ko. Kahit ipagtanong pa ninyo, ni hindi makalapit ang mga kamag-anak ko sa akin—kahit ang sarili kong tatay at half-brother—para ilakad ang anumang proyekto o kontrata sa gobyerno,” lahad niya.
Sinabi pa niya na, “Para sa isang simpleng probinsiyanong katulad namin ni dating Pangulong Duterte, iniingatan namin ang aming pangalan. Malinis ang aming konsensya dahil mula noon hanggang ngayon, mayroon kaming delicadeza.”
Iginiit rin niya na noon pang 2018 ang akusasyon ni Trillanes pero hindi nito napatunayan na sangkot siya sa anumang katiwalian at nag-iingay lang ngayon dahil sa papalapit na eleksyon.
“Taong 2018 pa ang akusasyon na iyan. Ni-recycle pa nila noong 2021. Pero wala pa rin siyang napatunayan. Ngayong papasok na naman ang halalan sa 2025, nag-iingay na naman siya upang mapag-usapan. Gusto lang nila kaming kulayan ng itim para sila ang pumuti. Tatapunan ka nila ng putik para magmukha kang marumi at sila ay magmistulang malinis.
“Naging tradisyon na ng iba ang manira tuwing nalalapit ang eleksyon. Parang negosyo na nila iyan para kumita o makilala. Ang tanong, sino kaya ang iba pang nasa likod ng black ops niyang ito? Baka ang dapat na silipin ay ang mga nakapaligid sa kanya,” pahayag pa ni Go.
Tinawag pa ni Go na isang ‘attack dog at tamad si Trillanes.
“Alam naman ng taumbayan na isang attack dog at tamad si Trillanes. ‘Yan ang totoong corruption! Hayaan na nating ang taumbayan ang humusga.
“Ako naman, patuloy akong nagseserbisyo sa tao sa abot ng aking makakaya. Uunahin ko ang mandato kong tumulong sa mga kapwa ko Pilipino. Sa kalaunan, naniniwala akong mananaig ang katotohanan,” dagdag pa nito.