National News
Sen. Gatchalian, hindi pabor sa face-to-face classes
Tutol si Senate Basic Education Committee Chairperson Senator Sherwin Gatchalian sa planong pagpapatupad ng face-to-face classes ng Department of Education (DepEd) sa low risk areas sa bansa.
Ayon kay Gatchalian, upang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante, magulang at guro mula sa posibleng infection ng COVID-19 dapat ipagpatuloy na lamang umano ang distance learning.
“This is to protect our learners, parents and teachers from the possibility of infection from the COVID-19 virus,” saad ng senador.
Dagdag pa niya, dahil sa unti-unting pagbubukas ng bansa at nakakakilos na ang mga tao, nagdudulot rin ito ng pagtaas ng kaso ng COVID-19.
Paliwanag pa ni Gatchalian, maaari aniyang magresulta sa pagkakaroon ng infection sa mga paaralan kung papayagan pa ang face-to-face classes.
Ani ng senador, ayaw naman natin ng senaryong bubuksan ang physical classes pero kalaunan ay sususpindehin rin ito, dahil sa hawaan ng infection sa kanilang lugar.
Giit pa niya, hindi dapat isugal ang kaligtasan ng mga mag-aaral, magulang at mga guro.
“The safety of our learners, parents, and teachers cannot be compromised. Our children are our greatest wealth and that their well being should be protected at all cost,” wika nito.