National News
SEN. GO, DI SANG-AYONG MAPALITAN SI DOH SEC. DUQUE SA GITNA NG KRISIS SA COVID-19
Hindi ito ang panahon upang palitan natin ang ‘kapitan’ ng ating digmaan kontra coronavirus disease (COVID-19).
Ito ang naging pahayag ni Senate Committee on Health Chairperson Senador Christopher ‘Bong’ Go sa inihaing resolusyon ng mga kasama niya sa Senado na nananawagang magbitiw na sa pwesto si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III.
Ayon kay Go, nirerespeto niya ang posisyon ng mga kasamahan niya sa Senado at sang-ayon siyang mayroong mga pagkukulang, hindi lamang kay Duque kundi maging sa buong DOH.
Gayunpaman, sinabi ng senador na hirap gumalaw at pilay ang ahensya ngayon dahil sa nasa 51 indibidwal rin sa DOH central office ang positibo sa COVID-19.
Kaya naman, ang kailangan aniya ng DOH ngayon ay ang kooperasyon ng lahat dahil hindi kakayanin ng ahensya na harapin mag-isa ang giyerang hinaharap natin ngayon.
Ito rin aniya ang dahilan kung bakit inatasan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang militar na tumulong na sa pagresponde sa COVID-19 dahil na rin sa kaalaman nila sa paghawak ng mga crisis situation.
Sa huli, sinabi ni Go na bilang chairperson ng Senate Committee on Health ay binabantayan niya lahat ng mga pagkukulang at papanagutin niya ang mga nasa likod nito sa tamang panahon.
Dapat na rin aniya itong magsilbing eye-opener sa DOH na pagbutihan pa ang kanilang trabaho lalo’t ibinigay na sa kanila ng Pangulo ang lahat ng tiwala at resources para magawa ang kanilang mandato. – radyopilipinas.ph