National News
Sen. Lacson: Maituturing pa ring ‘pork barrel’ ang mga ‘di klarong item sa budget
Nanindigan si Senador Panfilo Lacson na pork barrel pa rin na maituturing ang mga item sa panukalang P4.1 trilyon national budget na hindi klarong inilarawan.
Ayon sa senador, ito ay kahit pa hindi naman isiningit ang mga kwestiyonableng item na ito matapos ang enactment ng panukalang pondo.
Gaya na lamang aniya ng P50 milyon asphalt overlay project para sa isang lungsod na walang klarong pagsasalarawan.
Paliwanag ni Lacson, dapat ay tukuyin ang partikular na lugar kung saan gagawin ang naturang proyekto, dahil kung pagkatapos pa lamang maaprubahan ng panukalang pambansang pondo ito tutukuyin ay pasok na ito sa paglalarawan ng Korte Suprema kung ano ang pork barrel.
Matatandaang noong 2013, ay idineklara na ng Supreme Court na ilegal ang pork bareel at lump sum funds.
Bagamat hindi na hinarang ng senador ang ratipikasyon ng 2020 General Appropriations Bill (GAB) sa senado, umaasa naman itong iveveto ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga bahagi ng panukalang pondo na kwestiyonable.
Inaasahang ipapaliwanag ni Lacson, ang kanyang pananaw tungkol sa ratipikadong panukalang pondo sa sesyon ngayong araw. – radyopilipinas.ph