National News
SEN. VILLANUEVA BINATIKOS ANG PAGBUBUWIS SA ONLINE SELLERS: WALA NA NGANG AYUDA, BUBUWISAN NYO PA
Mariing binatikos ni Senator Joel Villanueva ang pasya ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na patawan ng buwis ang mga online seller kumpara sa pamamayagpag ng ilang Philippine Offshore Gaming Organization (POGO) na hindi nagbabayad ng buwis.
Umaabot aniya sa P50 billion ang utang na buwis ng POGO sa gobyerno simula pa noong nakaraang taon.
Sa kaniyang pahayag anya na dapat magpasalamat ang pamahalaan dahil likas na madiskarte ang mga Filipino.
Dagdag nito sinabi ni Villanueva na dapat unahin ng BIR ang may malalaking negosyo kaysa sa maliliit na naghahanap-buhay dahil nawalan ng trabaho sanhi ng Corona Virus 2019 at hindi nakatanggap ng ayuda mula sa pamahalaan.
“Cast your tax nets on the big fish, not on the small fry,” ayon kay Villanueva.
Sa halip, pinagsabihan ni Villanueva, chairman ng Senate committee on labor, employment and human resources development, ang BIR na maglunsad ng malawakang information campaign upang magparehistro ang mga MSME, at ipaalam ang benepisyo at buwis na ipapataw sa kanila.
Bilang kondisyon upang makabalik sa operasyon, dapat bayaran ng POGOs ang kanilang utang na buwis kabilang ang notarized commitment na magbabayad ng arrears sa nakarang taon alinsunod sa ipinalabas na BIR’s Revenue Memorandum Circular No. 46-2020 noong May 7, 2020.
Pero, makalipas ng dalawang linggo, inamin ni BIR Deputy Commissioner Arnel Guballa sa media na walang POGO firms ang lumapit sa kanila upang magbayad ng utang.
Kaugnay nito nilinaw ng Malakanyang na hindi lahat ng online sellers ay sakop ng bagong patakaran ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ukol sa pagrerehistro at pagbubuwis.
May ipinalabas umanong bagong memorandum ang BIR kung saan inaatasan nito ang mga nasa e-commerce na magrehistro sa kanila hanggang Hulyo 30.
Ang lahat na naka-rehistro o nag-update bago ang July 31, 2020 ay hindi mapapasama sa papatawan ng penalidad, ito ay alinsunod sa memorandum ng BIR.
Bukod dito, hinimok din ng BIR na ideklara ng mga ito ang kanilang mga naging transaksiyon para mabuwisan.
Ayon pa kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi kasama dito ang mga online business na kumikita nang P250, 000 pababa sa loob nang isang taon.
Nito lamang lockdown ay tumaas ang bilang ng online selling dahil maraming Filipino ang nakatengga sa bahay.