National News
Senador Gatchalian, Ibinunyag na si Alice Guo ang nagbayad sa Kuryente ng POGO Hub sa Tarlac
Inilabas ni Senador Sherwin Gatchalian ang mga resibo mula sa Tarlac II Electric Cooperative, Inc., na nagpapakita na si Alice Guo ang nagbayad ng milyun-milyong pisong bills sa kuryente ng isang POGO hub sa Bamban, Tarlac habang siya ay mayor pa ng bayan.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon ng Senado ukol sa ilegal na POGO operations, ibinulgar ng senador na si Guo, na pinatalsik bilang mayor, ay nagbayad gamit ang cash o tseke para sa sumusunod na mga bill ng POGO hub mula sa account sa ilalim ng kanyang pangalan:
– Disyembre 29, 2022: P28 milyon, bayad ng cash
– Setyembre 21, 2022: P5.4 milyon, bayad ng tseke
– Hulyo 2023: P6.4 milyon, bayad ng tseke
– Hulyo 26, 2023: P3.170 milyon, bayad ng tseke
– Enero 4, 2024: P3.44 milyon, bayad ng cash
– Enero 8, 2024: P5.308 milyon, bayad ng tseke
“Mayor ka na nito noong nagbabayad ka ng Tarelco. At sinabi mo kanina wala kang connection sa POGO, pero ‘pag walang kuryente, walang POGO. Ganun kasimple lang ‘yun, ‘di ba? Kung hindi mo yun binayaran ng kuryente, walang POGO. Walang mare-raid, walang human trafficking, walang torture, wala,” ayon kay Gatchalian.
Dagdag pa ng senador, “Pero tuloy-tuloy ka nagbayad. Even noong mayor ka, nagbayad ka. Even this year, nagbayad ka. So alam mo na may nangyayari diyan. At we can also prove na yung amounts na binabayaran mo is equivalent to the size, yung laki ng POGO hub doon.”
Binanggit din ni Gatchalian na hindi puwedeng igiit ni Guo na ginamit lang ang kanyang pangalan sa Tarelco account dahil siya mismo ang nag-isyu ng tseke o nag-withdraw ng cash para magbayad sa bills.
“Gumawa ka ng cheque, binayaran mo. Nag-withdraw ka ng P28 million, binayaran mo. So hindi lang ito simple ‘yung nakapangalan at nagkaligtaan lang na i-transfer sa iba. Nasa pangalan mo pa rin itong kuryenteng ito. So in other words, active participant ka dito sa POGO hub in Bamban,” diin ni Gatchalian.
Tumanggi si Guo na magbigay ng sagot sa mga ibinunyag ni Gatchalian, at sinabi niyang nahaharap na siya sa mga kaso kaugnay sa umano’y pagkakasangkot niya sa operasyon ng POGO sa Bamban.
Bukod sa mga direktang bayarin, ibinunyag din ni Gatchalian na may mga ibang kumpanya ni Guo na nagbayad din sa Tarelco.
Ayon kay Gatchalian, bukod sa paggamit ng QSeed Genetics para bayaran ang bills ng kuryente ng Bamban POGO hub, ang kumpanyang ito ay hindi diniklara ni Guo sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth.
Sa kabila ng matibay na pahayag ni Gatchalian na ipinapakita ng mga dokumento ang “aktibong pakikilahok” ni Guo sa mga operasyon ng POGO sa Bamban, nanindigan si Guo na wala siyang kinalaman sa mga aktibidad na ito.