National News
Simbahan ng Antipolo, idineklarang international shrine ng Vatican
Idineklara ng Vatican bilang isang international shrine ang National Shrine of Our Lady of Peace and Good Voyage sa Antipolo City.
Inaprubahan ng Vatican ang kanilang petisyon na kilalanin ang simbahan ng Antipolo bilang international shrine, ayon sa pahayag nitong Sabado ni Bishop Francisco de Leon ng Antipolo.
Dagdag pa ng obispo, “We received a letter from Rome saying that on June 18, our national shrine will be recognized as an international shrine.”
Inanunsyo ni Bishop de Leon ang magandang balita sa misa kasabay ng ika-39 na anibersaryo ng Diocese of Antipolo.
Ang simbahan ng Antipolo ang ika-11 international shrine sa buong mundo at pangatlo naman sa buong Asya.
Ito rin ang kauna-unahang Marian International Shrine sa Asya, at ika-6 naman sa buong mundo.
Ang Simbahang Katolika ay may kinikilalang tatlong dambana o shrine. Ito ay ang diocesan shrines, na inaaprubahan ng lokal na obispo; ang national shrines na inaaprubahan naman ng bishops’ conference; at ang international shrines na ini-endorso ng Vatican.