National News
SOLO PARENTS, MAKAKATANGGAP NG P1,000 BUWAN-BUWAN AT IBA PANG BENEPISYO SA ILALIM NG BAGONG BATAS
Ganap nang batas ang panukalang magbibigay ng P1,000 cash subsidy buwan-buwan at iba pang karagdagang benepisyo para sa mga low income solo parent.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11861, o Expanded Solo Parents Welfare Act, ang mga low income solo parent at anak ay maaaring makatanggap ng mga benepisyong pang-edukasyon. Makakakuha rin ng full scholarship ang batang wala pang 22 taong gulang.
Ang kwalipikadong solo parent naman ay maaaring mag-avail ng mga scholarship program mula sa Technical Education and Skills Development Authority o TESDA.
Habang ang mga kumikita ng mas mababa sa ₱250,000 ay may 10% discount at exemption sa value-added tax sa mga gatas ng sanggol, diaper, bakuna, at gamot hanggang sa anim na taong gulang ang bata.
Samantala ang mga senior citizen o persons with disability na nagsisilbi bilang solo parents ay maaari ding makakuha ng mga discounts bukod pa sa kanilang mga personal na benepisyo.
Ayon naman kay Senador Risa Hontiveros, ang principal author ng panukala sa Senado, sinabi nitong isang tagumpay para sa lahat ang pagpasa ng naturang batas.
“I share this victory with the millions of solo parents in our country. As a single mom, I’m intimately familiar with the feeling of not being sure how to pay for my children’s tuition, not knowing who can accompany me if one of them gets sick,” saad ni Hontiveros.
Para makatanggap ng mga karagdagang benepisyo, kailangan lang magpakita ng Solo Parent Identification Card.
Maaaring makuha ang ID sa Solo Parent Office ng local government unit.
Source: GMA News, CNN Philippines