National News
‘Tuldukan na natin’: PNP Chief Sinas sa mañanita isyu
NANAWAGAN ang bagong-talagang hepe na si Philippine National Police (PNP) chief Police General Debold Sinas sa publiko na itigil na ang batikos kaugnay sa kontrobersyal na mañanita sa gitna ng enhanced community quarantine noong Mayo.
“Sa ngayon dapat tuldukan na natin ang mañanita. Naimbestigahan na ‘yan, nasa prosecutor na po. Nasa kanila na po,” pahayag ni Sinas.
Paliwanag pa ng PNP Chief, marami pa siyang gagawin bilang bagong-luklok na hepe.
‘Six months na po at marami akong gagawin as chief PNP at sana kung magkocover kayo sa akin, nakita ninyo naman ano talaga ginagawa namin,” dagdag pa nito.
Bagamat alam umano ni Sinas na ang mga kritisismo ay parte ng kaniyang trabaho, pero aniya mauubos lang ang kaniyang oras kung sasagutin pa ito.
“Sinabi ko na that’s part of the job, hindi po natin maiwasan ‘yun. Sinusundan ninyo naman ako since nag-Region VII ako hanggang ngayon, part na po ‘yan. Sabi ko nga sa inyo, di ko naman pakialaman trabaho ninyo. Ako lang, pinapakita ko lang ‘yung mga gawaing tama at accomplishment namin.”
“Mga batikos, kung ‘yun talaga ang paniniwala mo, wala akong magawa. Mauubos ang oras ko kung lahat po ay sasagutin ko…” saad pa ni Sinas.
Una nang humingi ng tawad ang opisyal kaugnay sa isyu ng mañanita. Giit pa nito, sinunod naman nila ang social distancing.