National News
TWG para pagsamahin ang mga panukala sa mandatory drivers education, binuo
Bumuo ang House Committee on Transportation ng isang Technical Working Group (TWG) para pagsamahin ang nasa limang panukalang batas, kaugnay ng mandatory drivers education sa pagkuha ng driver’s license.
Sa ilalim ng naturang panukala, hindi makapagre-renew ng lisensya ang isang driver hangga’t hindi sumasailalim sa seminar sa road safety, Land Transportation Office (LTO) policy, at iba pa.
Ayon kay Iloilo Representative Lorenz Defensor, isa sa mga pangunahing may akda ng panukalang batas, titiyakin ng TWG na makokonsulta ang lahat ng stakeholders bago ipasa ang panukala.
Pagtitiyak naman ng mambabatas, na magiging simple ang implementasyon ng programa upang madaling maintindihan ng lahat ang responsibilidad ng isang license holder.
Muli ring makikipag-ugnayan si Defensor sa House Committee on Ways and Means, para siguruhin na subsidized ng road user’s tax ang driver’s education program. – radyopilipinas.ph