National News
US MARINE NA PUMATAY SA ISANG FILIPINO TRANSGENDER, PALALAYAIN NA DAHIL SA MAGANDANG ASAL
Iniutos ng isang hukuman sa Olongapo City na palayain na ang US Marine na nahatulan ng pagkakakulong dahil sa pagpatay sa isang Filipino transgender.
Iginawad ng Olongapo City Regional Trial Court (RTC) Branch 74 ang hiling ng kampo ni US Marine Lance Corporal Joseph Pemberton na makalaya sa bisa ng good conduct time allowance rule (GCTA) matapos mapatunayang lumagpas na sa 10 taon ang inilagi ni Pemberton sa piitan.
Naglabas ng court order si Judge Roline Ginez-Jabale na nag-uutos sa Bureau of Corrections na palayain na si Pemberton kung wala naman umanong ibang legal na basehan upang pigilan siya.
Matatandaang sinentensyahan ng anim hanggang 10 taong pagkakakulong si Pemberton noong 2015 matapos mapatunayan na pinaslang niya ang transgender na si Jennifer Laude sa isang motel sa Olongapo City.
Ikinulong si Pemberton sa isang piitan sa Camp Aguinaldo sa halip na sa karaniwang kulungan, alinsunod sa Visiting Forces Agreement sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Base sa bilang ng Olongapo RTC, nakapagtala na si Pemberton ng 2,142 araw na pagkakakulong at 1,548 araw ng GCTA grant. Kung susumahin ay mayroon na siyang 3,690 araw (higit sa 10 taon) na pagkakapiit at sumobra na ito maximum penalty para sa kasong homicide.
Sa ilalim ng GCTA law, napapababa ang sentensya ng mga convict na base sa mga ebalwasyon ay nagpapakita ng magandang asal. Naging kontrobersyal ito noong nakaraang taon nang ang mga heinous crime convict, na dapat ay disqualified sa pribilehiyo ng batas, ay napalaya ng maaga.
Naghain naman ng motion for reconsideration ang abogado ng pamilya Laude at sinabing walang opisyal na tala mula sa time allowance supervisor tungkol sa behavior, conduct and participation in rehabilitation activities ni Pemberton.
Kinukwestiyon din nila ang kawalang ng rekomendasyon mula sa Management, Screening and Evaluation Committee ng Bureau of Corrections (BuCor).
Kinondena ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang kautusan ng korte.
“As former Private Prosecutor for the Laude family, I deplore the short period of imprisonment meted on Pemberton who killed a Filipino under the most gruesome manner. Laude’s death personifies the death of Philippine sovereignty,” aniya.
Samantala, sinabi naman ng militar na hindi sila nakatanggap ng kopya ng court order at nalaman lamang sila ang kautusan mula sa media.
“We learned about the release order for USMC Lance Corporal Joseph Scott Pemberton from media reports. But we have not received a copy of such release order yet,” pahayag ng military spokesperson na si Marine Maj. Gen. Edgard Arevalo.
Sinabi pa niya na kahit na ipiniit si Pemberton sa Armed Forces of the Philippines Custodial Facility sa Camp Aguinaldo, and pagpapatupad ng court order ay nakaatas sa BuCor at hindi sa militar.
“The custodial arrangement was agreed upon through a memorandum of agreement between the military and BuCor,” dagdag pa niya.
“The MOA provides that the former will make available the detention facility while the latter retains the management and administration of the [convict]. We will assist BuCor in facilitating the release of Pemberton by virtue of such court order,” ani Arevalo.
Wala pang tugon ang embahada ng Estados Unidos sa Manila nang hingan ng reaksyon at impormasyon tungkol sa napipintong paglaya ni Pemberton.