National News
Walang Ginastos sa paglikha ng bagong ‘Bagong Pilipinas’ Logo
Ayon sa isang pahayag ng Presidential Communications Office (PCO), ang bagong logo ng “Bagong Pilipinas” na ginawa ng Malacañang ay walang ginugol na pondo mula sa publiko.
Internally ginawa ng PCO ang logo at dumaan ito sa isang kompletong proseso ng staff work upang matiyak ang pagsunod sa heraldic code.
Ito ay natapos nang walang anumang ginastos mula sa gobyerno.
Ayon sa PCO, ang Bagong Pilipinas logo ay kumakatawan sa iba’t ibang yugto ng pag-unlad ng bansa patungo sa mga layunin nito sa hinaharap.
Sinasagisag ng tatlong pulang guhit ang mga pangunahing yugto ng pag-unlad sa kasaysayan: ang post-war agricultural and rural development, ang post-colonial period, at ang kasalukuyang metropolitan development.
Sinisimbolo naman ng dalawang asul na guhit ang mga layunin para sa hinaharap – isang progresibong Pilipinas na umaasa sa teknolohiyang pag-unlad sa pagsusulong ng sustainable industrial development.
Ang pagsikat ng araw ay tumutukoy sa umuusbong na Bagong Pilipinas, na nagpapakita ng ating pagnanais na makuha ang sentro ng entablado sa global na merkado at komunidad ng mga bansa.
Ang pattern ng pagkahabi ng logo, ayon pa sa PCO, “ay nagpapakita ng koneksyon at pagkakaisa ng mga Pilipino”. Inilalarawan ng logo ang pananaw ng administrasyong Marcos para sa bansa, na nagpapahalaga sa pagkakaisa, pakikilahok, at kulturang bayanihan bilang pangunahing mga hibla at bahagi para sa kanyang kabuuan.