Negros News
11 BAGONG KASO NG COVID-19, NAITALA SA NEGROS OCCIDENTAL, BACOLOD CITY
Sampung panibagong kaso ng coronavirus disease 2019 ang naitala sa syudad ng Bacolod, habang may isang bagong kaso rin sa lalawigan ng Negros Occidental.
Siyam sa sampung bagong COVID-19 case sa Bacolod City ay mga na-stranded na ngayon ay nakabalik na sa lungsod, habang ang isa naman ay repatriated Overseas Filipino Worker.
Isang 23-anyos na babae naman na taga-Himamaylan City ang siyang panibagong kaso ng COVID-19 sa Negros Occidental.
Ngayon ay kapwa nasa quarantine facility na ang mga ito.
Samantala, kinumpirma naman ni Governor Eugenio Jose Lacson na inaprubahan na ng National Inter-Agency Task Force ang dalawang linggong travel ban patungong Region 6 kasama na rito ang Bacolod City at Negros Occidental.
Ito ay para maiwasan muna ang pag-uwi ng mga stranded individuals mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lalawigan.
Pinasalamatan ito ng gobernador dahil aniya’y makakatulong ito para mapaghandaan ng probinsya ang mga panibagong quarantine facility na paglalagyan sa mga nakatakda pang umuwi na mga stranded passengers.
Nasa 45 na ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa Bacolod City habang sumampa naman sa 78 ang kaso ng sakit sa Negros Occidental..