Negros News
Empleyado ng LTO-Bacolod, nagpositibo sa Covid-19, opisina ni-lockdown
Bacolod City –Pansamantalang magsasara ang Land Transportation Office ng Bacolod simula ngayong Lunes matapos magpositibo ang isang empleyado nito sa COVID-19 swab test.
Kinumpirma ito ni LTO-Bacolod Chief Reuben Tampos.
Ayon kay Tampos, bagong lipat lamang sa kanilang ahensiya ang empleyado na nagmula sa LTO-Cadiz kung saan nalamang nagpositibo sa virus ang hepe nito.
Nang matanggap nila ang impormasyong nagpositibo sa COVID-19 ang hepe ng LTO-Cadiz ay agad na in-isolate ang nasabing personnel at isinailalim agad sa swab test noong Miyerkules, Agosto 19 at Huwebes, Agosto 20, lumabas ang resulta na positibo ito sa virus.
Nabatid rin na ang naturang empleyado ay siyang nagmaneho pa nang sasakyan ng hepe ng LTO-Cadiz.
Ngayong araw, nakatakdang sasailalim sa swab test ang lahat ng empleyado ng LTO-Bacolod.