Negros News
MAHIGIT 20 NA BAHAY SA ISANG BARANGAY SA BACOLOD, NAKA-LOCKDOWN
Bacolod – Naka-lockdown simula nitong Lunes ang mahigit 20 kabahayan sa bahagi ng Brgy, Punta Taytay, Bacolod matapos magpositibo sa corona virus disease 2019 (COVID-19) ang isang 24 anyos na buntis na isang Locally Individual Stranded (LSI).
Nagmula umano ang pasyente sa Angono, Rizal sa Luzon at asymptomatic ito.
Ayon sa punong barangay, nakipag-videoke umano ang buntis at nang-imbita sa kanilang bahay bago lumabas ang resulta na nagpositibo siya sa virus.
Inilipat na ito sa quarantine facility ng lungsod at naka-home quarantine naman ang iba pang kasama nito sa bahay.
Patuloy rin ang contact-tracing ng barangay sa kasalukuyan.
Nababahala naman ang mga residente sa barangay nang malaman na nagpositibo sa COVID-19 ang babae.
Pinayuhan ng punong barangay ang mga apektadong kabahayan na huwag munang lumabas sa kani-kanilang bahay.
Tatagal ng 14 araw ang lockdown sa naturang lugar.
Matatandaan nitong Linggo, nasa 45 na ang kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 sa Bacolod City.
via ABS-CBN News