Politics
BLISS 2.0 TUGON NI BONGBONG SA KAKULANGAN SA PABAHAY
SINABI ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. na ibabalik niya ang Bagong Lipunan Improvement of Sites and Services (BLISS) project para tugunan ang tumataas na backlog sa pabahay ng bansa sakaling manalo siya sa May 9, 2022 national elections.
Sa kanyang pagsasalita kamakailan sa campaign sortie sa Quezon City, sinabi ni Marcos na ang ilan sa orihinal na proyekto ng BLISS ay nagsimula sa nasabing lungsod at idiniin ang pangangailangan para sa mabilis na pagtugon sa lumolobong kakulangan ng pabahay sa bansa.
“Alam niyo po dito nagsimula yung BLISS housing development. Babalikan po natin yan. Dahil malaki talaga ang pagkukulang (ng pabahay) hindi lang dito sa Quezon City, kundi sa buong Pilipinas,” sabi ni Marcos.
Noong 1984, namahagi si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos ng 25,000 titulo ng lupa sa mga benepisyaryo ng pabahay mula sa Balintawak, Quezon City, kung saan pinasinayaan din niya ang New Teachers BLISS Condominium II, na nakatayo hanggang ngayon at ngayon ay isa nang maunlad na komunidad.
Ang proyekto ng BLISS ay bahagi ng Land for the Landless Program sa Metro Manila na sinimulan ni Pangulong Marcos noong 1981 upang maisakatuparan ang pangarap ng mga maralitang tagalungsod na magkaroon ng kanilang lupain at sariling tahanan.
Ang matagumpay na programa ay nasa ilalim ng pangangasiwa ni dating Unang Ginang Imelda Romualdez Marcos, na siya ring Ministro ng Human Settlements.
Ayon sa pagtatantiya ng gobyerno, aabot sa 6.8 million units ang kabuuang kakulangan sa housing units ng bansa sa pagtatapos ng 2022 at, kung hindi mareresolba, aabot sa 22 million units pagsapit ng 2040.
“Siguro ang kulang na pabahay sa Pilipinas ay six million na. At ibig sabihin, six million sa ating mga mamamayan, mga pamilya, sila ay squatter dun sa kanilang tinitirhan… Pagka-nagkataon sa panahon ko naman, gagawin ko hindi lamang sa Quezon City kundi sa buong Pilipinas,” dagdag pa ni Marcos.