Politics
Todong tulong sa mga mangingisda ilalatag ni BBM
MAS magandang buhay at ligtas na paglalayag sa mga karagatan ang pangako ni presidential frontrunner Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. para sa mga mangingisda, at sa industriya ng pangingisda sa pamamagitan ng pagbubuhos ng lahat ng mga kailangan nilang suporta.
Kabilang sa unang plano niyang gawin matapos niyang manalo sa Mayo 9 ay ipa-modernize ang kanilang sistema ng pangingisda sa pamamagitan ng pamamahagi ng mga makabagong mga bangka at iba pang kailangan nilang mga kagamitan upang masigurong marami silang huli at ligtas habang nasa karagatan.
Sa kanyang nilahukan na SMNI ‘Deep Probe’ presidential interview, sinabi ni Marcos na kailangang tugunan ng pamahalaan ang pangangailangan ng mga mangingisda dahil ilan sa kanila ay nanatiling gumagamit ng mga lumang bangka.
“In our fisheries, there is a very good potential for us kung ayusin lang natin ang ating kinukuhanan ng isda. Number one, bigyan natin ang ating mangingisda ng mas malaking bangka. Maliliit lang yung bangka nila and they have to go out already 12 kilometers kasi overfished na dito sa loob,” sabi niya.
Ayon kay Marcos, dapat ligtas din ang mga mangingisda at nakakasigurong makuha ang lahat ng kailangan nilang huli na walang pangamba na gagambalain sila ng mga dayuhan sa pamamagitan ng pagdadagdag ng patrolya sa karagatan.
“Then of course, patrols kasi maraming nagpo-poach sa atin,” he said.
Binigyang diin ni Marcos ang pangangailangan na palakasin ang industriya ng pangingisda matapos ianunsyo kamakailan ng pamahalaan na kailangang mag-angkat ng galunggong mula sa ibang bansa.
“There are other things that need to be done as well, the fact that we are importing galunggong has been made very public, it’s very clear that it is quite a surprise for us to get into that situation. But again it really comes from the neglect in the agriculture and fisheries sector,” sabi niya.
Bilang parte ng sektor ng agrikultura, ang mga mangingisda, pati mga magsasaka, ay dapat magkaroon ng lahat ng bago at magagandang pamamaraan at teknolohiya aniya pa.
Sa ginanap na SMNI debate naman noong nakaraang buwan, inilatag din ni Marcos ang kanyang foreign policy kung paano niya solusyunan ang problema sa West Philippine Sea, upang ang mga mangingisdang Pilipino ay makakapangisda ng muli sa lugar kung saan matagal na silang kumukuha ng kanilang ikinabubuhay.