Provincial News
KAPITAN, TINAGA-PATAY NG HINDI NABIGYAN NG QUARANTINE PASS
LAGUNA – PATAY sa pananaga ng lalaki na umano’y adik ang 57-anyos na barangay chairman ng dahil sa hinihingi umano nitong quarantine pass sa Brgy. Sta. Ana, Lungsod ng San Pablo, kahapon ng umaga.
Ayon sa ulat ni PLt. Col. Elmer Bao, hepe ng pulisya, kay Acting Laguna PNP Provincial Director PCol. Serafin Petalio II, nakilala ang biktimang si Larry Rosales y Calderon, 57, may asawa at residente ng nasabing lugar.
Samantala, agad nadakip ni Bao at ng kanyang mga tauhan ang papatakas na si Pablito Hernandez, 45, hindi kalayuan sa pinangyarihan ng insidente kasunod ang narekober na ginamit nitong gulok.
Alas-10:30 ng umaga nang hindi inaasahang maganap ang naturang insidente nang biglang sumulpot ang suspek sa lugar.
Doon mismo sa harapan ng barangay hall, kinausap umano ng suspek ang biktima para humingi ng quarantine pass, samantalang lingid sa kanyang kaalaman na may masama na pala itong binabalak.
Sinasabing mula sa bitbit na bag ng suspek, agarang binunot nito ang matalim na gulok bago nito patraydor na pinagtataga ang biktima sa kanyang leeg at ulo kasunod ang pagbulagta nito sa semento at hindi na nagawa pang makapanlaban.
Matapos nito, hindi pa umano nasiyahan ang suspek at inundayan pa nito ng saksak at taga sa katawan ang biktima na hinihinalang bangag ito sa ipinagbabawal na droga.
Mabilis na isinugod ng mga residente sa San Pablo City Hospital ang biktima subalit nasawi rin.
Samantala, lumilitaw sa talaan ng pulisya na dati na umanong nahuli ang suspek kaugnay sa paggamit nito ng ilegal na droga kung saan kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa ospital bunsod ng tinamong tama ng bala sa kanyang hita at braso habang papatakas.
Kaugnay nito, murder ang ikakaso ng pulisya sa piskalya laban sa suspek. DICK GARAY