Connect with us

Regional News

SITG “PALIBOSFER,” binuo para mapabilis ang paglutas sa naganap na pamamaril sa Iloilo

Published

on

Bumuo ang Police Regional Office (PRO-6) ng isang pangkat na siyang mag-iimbestiga sa kaso ng umano’y pananambang at pamamaril noong Setyembre 14, na ikinamatay ng tatlong negosyante sa Villa Pani-an, Estancia, Iloilo.

Ayon kay Brigadier General Leo Francisco, Western Visayas police chief, ipinag-utos niya noong Setyembre 16 sa Regional Investigation and Detective Management Division (RIDMD) na bumuo ng Special Investigation Task Group (SITG).

Ang nasabing Task Force ay tinawag na SITG “PALIBOSFER” (Parohinog-Libao-Bosque and Fernandez), at pamumunuan umano ni Iloilo Police Provincial Office (IPPO) Colonel Adrian Acollador.

Nasawi sa nasabing pamamaril ng dalawang gunmen na umano’y lulan ng isang motorsiklo, sina Mark Clarence Libao, 24 na taong gulang at taga-Quintin Salas, Jaro, Iloilo City; Chrysler Floyd Fernandez, 27 taong gulang ng Jereos, La Paz, Iloilo City; at Jan Paul Mark Bosque, 28 taong gulang, mula Lopez Jaena Sur, Lapuz, Iloilo City.

Nakaligtas naman ang 24 na taong gulang na si Jevron Parojinog na siya umanong nagmamaneho ng SUV na sinasakyan ng grupo.

Kaugnay nito, sinasabing tinangay rin ng mga suspek ang mahigit pitong milyong pisong pera na nasa loob ng sasakyan, na ayon kay Parohinog ay pinagbentahan ng fishing boat ng isa sa mga biktimang may pagkakautang umano sa kaniya.

Gayunpaman, pinabulaanan ito ng kasintahan ng biktima at nanindigang si Parohinog ang may utang sa kanila.

Dito na nagbago ang pahayag ni Parohinog at sinabing siya ang may utang sa kaibigan.

Dahil sa pabago-bagong pahayag nito, itinuring na person of interest si Parohinog. Gayunpaman, nilinaw ng pulisya na nag negatibo si Parohinog sa paraffin test.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon at pangangalap ng ebidensiyang makatutulong sa paglutas ng kaso.

Continue Reading