Regional News
76 barangay officials sa Western Visayas, minomonitor dahil sa umano’y kaugnayan sa illegal na droga
AABOT sa 76 na mga barangay officials ang mino-monitor ngayon ng Police Regional Office (PRO) VI dahil sa umano’y kaugnayan sa Western Visayas.
Kasunod ito ng pahayag ni PNP chief PGen Benjamin Acorda Jr. na ang Western Visayas ang may pinakamataas na bilang ng barangay officials na iniuugnay sa illegal drug trade.
Sa panayam ng Radyo Todo kay PMaj. Mary Grace Borio, Public Information Officer ng PRO 6, ibinunyag nito na, 20 dito ay mga barangay chairman at 56 naman ang barangay kagawad.
Mula sa nasabing bilang, 11 ang mula sa Aklan kung saan tatlo ang barangay chairman ay walo ang barangay kagawad.
Mayroon namang 12 sa lalawigan ng Antique kung saan apat ang barangay chairman at walo ang barangay kagawad.
Samantala, isang barangay kagawad naman ang nasa watchlist mula sa Bacolod.
Ang lalawigan ng Capiz ay may tatlong barangay chairman at 17 barangay kagawad ang mino-monitor rin.
Sa bahagi naman ng Iloilo City, isang kapitan at isang kagawad ang kabilang sa watchlist ng kapulisan samantalang 15 naman ang sa Iloilo Province na binubuo ng apat na kapitan at 11 kagawad.
Kagaya ng Iloilo Province,may 15 opisyal din ng barangay ang minomonitor ng kapulisan kung saan lima dito ang barangay chairman at sampu naman ang barangay kagawad.
Tanging ang lalawigan ng Guimaras lamang ang walang naitalang opisyal na barangay na umano’y sangkot sa kalakaran ng illegal na droga.
Ngunit nilinaw ni Borio, mula sa 76 na bilang ng mga barangay officials, 42 dito ang delisted na sa kanilang watchlist, 29 ang nag-surrender at lima ang naaresto.
Nagpapatuloy din umano ang kanilang monitoring sa nabanggit na 76 na mga barangay officials at ipinasiguro ang mahigpit na pagbabantay sa iba pang drug personalities sa buong rehiyon.