Connect with us

Regional News

BAGONG SILANG NA SANGGOL, NATAGPUAN SA KISAME NG OSPITAL

Published

on

Ikinalungkot ni Dr. Armando Dumdum, ang Hospital Chief ng Calinog District Hospital ang pagkamatay ng isang sanggol na babae na iniwan ng kanyang ina sa itaas ng kisame ng Calinog District Hospital.

Sa panayam kay Dr. Dumdum sinabi nito na sinikap nilang makausap ang pamilya ng isang 19-anyos na itinuturong nanay ng sanggol. Ayon sa doktor, nauna ng nagpakonsulta sa emergency room ng Calinog District Hospital ang 19 anyos na nanay noong nakaraang Biyernes mag-a-alas 4 ng madaling araw dahil sumasakit umano ang kanyang sikmura.

Nang suriin ng doktor, nagreklamo ito na meron umano siyang tenderness dahilan upang bigyan ito ng gamot. Makalipas ang ilang minuto, nagpaalam umano ang dalaga na magsi- CR dahil may LBM siya.

Pagkatapos ng halos 20-30 minutos lumabas ito ng CR nagsabi sa mga doktor na nawala na ang sakit sa kanyang sikmura. Dahil sa wala na umano itong naramdaman ay pinayagan siya ng doktor sa emergency room na umuwi mga alas 5 na ng umaga.

Mga 7:30 ng umaga nakarinig ng iyak ng sanggol ang mga staff sa emergency room. Hinanap nila ito sa paligid ng hospital pero wala silang nakita.

Muli nilang narinig ang iyak mga alas 9:30 ng umaga hanggang sa matuklasan nila na galing ito sa ibabaw ng kisame kung saan nakita doon ang sanggol na nakakabit pa ang pusod at bahay-bata.

Nang makuha ang sanggol, namumula na ito at maraming pasa, namaga ang mata kaya’t mabilis nila itong dinala sa emergency room ngunit namatay ang sanggol pagkalipas ng dalawang oras.

Panoorin ang Video DitoBhong David)

Ayon pa kay Dr. Dumdum, posibleng hinagis sa ibabaw ng kisame ang sanggol rason kung bakit marami itong pasa. Dagdag pa nito na hindi pa mature ang sanggol na may 1.7 kilos lang ang timbang. Naniniwala rin ang doktor na kung walang hematoma at naasikaso agad ang sanggol malaki ang tsansa na mabuhay pa ito.

Kasalukuyang pinoproseso na ang pagbibigay ng disenteng libing sa bata habang patuloy ang imbestigasyon sa 19-anyos na ina.

Source: RMN-Iloilo