Regional News
DAGDAG-SINGIL SA MGA KONSUMIDOR SA PANAY AT NEGROS, PINAHINTO NA NG ERC
Naglabas ng direktiba ang Energy Regulatory Commission (ERC) sa Philippine Electricity Market Corporation (PEMC) na itigil na ang dagdag-singil at iba pang charges sa mga konsumidor sa Panay at Negros islands.
Ang biglaang pagtaas ng kuryente at iba pang charges ay dulot ng nasirang Cebu-Negros Submarine Cable ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
“The Commission is of the view that the congestion and other charges that are attributable to the damage of the Cebu-Negros Submarine Cable, which was not caused by the consumers, should not be charged to them”, pahayag ni ERC Chairperson and CEO Agnes VST Devanadera.
Iniutos din ng ERC sa PEMC na i-refund ang mga koleksyon sa customers sa billing period mula Hunyo hanggang Agusto 2021.
Inatasan din ng ERN ang PEMC na ipagpaliban muna ang pagbayad ng congestion at iba pang dagdag-singil sa mga kumpanya na apektado ng insidente hanggang sa muling pagbalik ng operasyon ng transmission line ng NGCP.
Mababatid na nasira ang Cebu-Negros 138 kV Line 1 noong 15 June 2021, nang matamaan ito ng backhoe habang nagsasagawa ng dredging sa Bio-os River, Brgy. Pondol, Amlan, Negros Oriental na proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Dahil sa nasirang linya, naging limitado ang suplay rason kung bakit tumaas ang presyo ng kuryente.
Magugunitang nagsumite ng reklamo ang ilang stakeholders sa Panay at Negros na pinangunahan ng MORE Power Iloilo, dahil sa biglaang pagtaas ng generation rate na sinisingil ng PEMC na lubos namang naka-apekto sa mga konsumidor at mga negosyo dahil ito ay ipinapasa sa kanila.
“The Commission’s suspension of the collection of Congestion Charges and other charges that are attributable to the Cebu Negros Submarine Cable incident seeks to mitigate the impact of these incidents on our consumers in the affected areas”, saad ni ERC Chair Devanadera.