Connect with us

Iloilo News

Dahil sa pagsaway, babae binaril-patay ng live-in partner sa Iloilo

Published

on

Patay ang  isang babae matapos itong barilin ng mismong live-in partner nito sa Brgy. Salvacion Habog-Habog, Molo, Iloilo City dakong alas-11:00 ng gabi nitong Huwebes.

Kinilala ang biktima na si Laarni Poblacion, 38-anyos habang ang suspek naman na kalive-in nito ay si alyas “Iron” Macalalag, 38-anyos na parehong residente ng nasabing lugar.

Batay sa imbestigasyon ng Molo Municipal Police Station, nakainum umano ang suspek nang mangyari ang insidente kung saan ay pinalaro umano nito ang armas na baril sa menor de edad nilang anak.

Sinaway ito ni Poblacion dahil delikado ngunit nagalit pa si Macalalag at nagkasagutan ang dalawa hanggang sa pinaputukan na nito ng baril ang biktima na tumama sa kaniyang noo.

Duguang isinugod sa ospital ang biktima at pinilit pang gamutin ngunit kalauna’y binawian rin ng buhay.

Samantala, tumakas naman ang suspek kasama ang anak na hanggang ngayon ay pinaghahanap parin ng mga kapulisan.

Hindi rin na rekober ang baril na ginamit sa krimen na pinaniniwalaang dinala ng suspek sa pagtakas.