Regional News
Mga biktima ng Ceres bus tragedy sa Antique, inabutan ng tulong pinansiyal ng DSWD
INABUTAN ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office VI ng ayuda ang mga biktima ng ceres bus tragedy sa Hamtic, Antique.
Kabuuang P60,000 na financial assistance ang ipinamahagi ng ahensiya sa mga biktima.
Ito ay sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng DSWD.
Ayon sa DSWD VI, natanggap na ng mga pamilya ng anim na mga biktima na naka-confine sa Western Visayas Medical Center (WVMC) ang tulong pinansiyal na nagkakahalaga ng P10,000.
Nakikipag-ugnayan na rin ito sa Local Social Welfare and Development Offices (LSWDOs) para maibigay na rin ang financial aid sa iba pang biktima ng trahedya.
Nagpapatuloy rin ang isinasagawang assessment ng DSWD para sa iba pang tulong na maaaring maibigay sa iba pang mga biktima at kanilang pamilya.
Matatandaang umakyat na sa 18 ang nasawi sa aksidente habang 10 ang sugatan matapos mahulog sa bangin ang Ceres Bus 6289 nitong Martes ng hapon.