Regional News
DAGDAG P95-P100 SA ARAWANG SAHOD, INIHIRIT SA WESTERN VISAYAS
HUMIRIT na ang ilang labor groups sa Western Visayas ng taas-sahod o dagdag P95-P100 sa daily minimum wage sa rehiyon.
Ito’y bunsod ng patuloy na pagsipa ng presyo ng langis at mga pangunahing bilihin sa bansa.
Inihain ni Secretary General Wennie Sancho, Labor Sector Representative sa Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) sa board meeting ang adjustment na P95 hanggang P100 sa daily income ng mga manggagawa.
Ipinunto ni Sancho na malaking tulong sa pang-araw-araw na kailangan sakaling maaprubahan ang taas-sahod sa rehiyon.
Naniniwala rin siya na magiging pabor ang RTWPB sa kanilang petisyon dahil maraming manggagawa ngayon ang umaaray dahil hindi sapat ang kita para sa mga gastusin.
Ngunit may posibilidad rin umano ayon kay Sancho na hindi aaprubahan ng management ang wage increase dahil sa epekto ng pandemya.
Hindi na rin umaasa ang Labor Groups na ipapatupad ang dagdag-sahod na P355 na isinusulong ng Fishta Union of Employees for Reforms through Solidarity Actions (FUERSA-SUPER).
Ang minimum wage ngayon sa Rehiyon VI ay nasa P310 hanggang P395 sa agriculture, non-agriculture, industrial at commercial sector. (With reports from Aksyon Radyo)