Regional News
Pribadong Utilities nangunguna sa pagpapanatili ng mas mababang singil sa kuryente sa Western Visayas at Negros Island


Iloilo City — Isang magandang balita para sa mga konsyumer ng kuryente sa Western Visayas at Negros Island, dahil ang mga pribadong electric distribution utilities sa pamumuno ng negosyanteng si Enrique Razon, Jr. ay patuloy na nag-aalok ng pinakamurang singil sa kuryente sa rehiyon, na mas mababa kumpara sa mga singil ng electric cooperatives.
Sa loob ng mahigit limang taon, ang MORE Electric and Power Corporation (MORE Power) — ang tanging electricity distribution utility sa Iloilo City — ay patuloy na nananatiling may pinakamababang residential power rates sa Panay Island at Guimaras. Ngayong buwan ng Mayo, ang residential rate ng MORE Power ay P11.13 kada kilowatt-hour (kWh), mas mababa kumpara sa mga sumusunod na electric cooperatives:
- ILECO I: P12.53/kWh
- ILECO II: P12.25/kWh
- ILECO III: P11.27/kWh
- AKELCO (Aklan): P12.74/kWh
- ANTECO (Antique): P12.82/kWh
- CAPELCO (Capiz): P12.78/kWh
- GUIMELCO (Guimaras): P12.69/kWh
Patuloy din ang ganitong trend sa Negros Island Region, kung saan ang Negros Electric and Power Corporation (Negros Power) — isang joint venture ng Primelectric Holdings, Inc. at Central Negros Electric Cooperative (CENECO) — ay pitong sunod-sunod na buwan na ngayong nag-aalok ng mas mababang rate mula nang simulan ang operasyon noong Nobyembre 2024. Sa buwan ng Mayo, ang singil ng Negros Power ay P11.69/kWh, mas mura kumpara sa mga katabing kooperatiba:
- NONECO: P13.28/kWh
- NOCECO: P12.02/kWh
- NORECO 1: P12.18/kWh
- NORECO 2: P11.71/kWh
Ayon sa mga eksperto sa industriya at mga energy market regulators, ang mas mababang singil ng mga pribadong utilities ay resulta ng maayos at maagap na power sourcing at contracting strategies.
Ayon kay Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP) President at CEO Atty. Richard Nethercott, ang supply mix at procurement decisions ng isang distribution utility ang isa sa mga pinakamahalagang factor para makamit ang mas mababa at mas matatag na presyo ng kuryente.
“Ang presyo ng kuryente ay naapektuhan ng iba’t ibang factors — kondisyon ng merkado, mga kontrata ng utility, at ang kanilang internal na purchasing strategy. ‘Yung mga utilities na mahusay mag-manage ng kanilang power sourcing at aktibong nagmomonitor ng market trends, sila ang nakakapagbigay ng mas murang singil sa mga konsyumer,” paliwanag ni Nethercott.
Kinumpirma rin ito ni MORE Power at Negros Power President at CEO Roel Castro, na nagsabing ang mababang rates ng kanilang kompanya ay bunga ng maayos at planadong power contracting sa pamamagitan ng Competitive Selection Process (CSP), kasabay ng mahigpit na pagmamanman ng presyo sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM).
Binanggit din ni Castro na 60-65% ng kabuuang electric bill ng konsyumer ay mula sa generation charge, kaya napakahalaga para sa mga utilities na kumuha ng kompetitibong generation supply contracts. “Sa pamamagitan ng aktibong paglahok sa mga market opportunities at pagkuha ng long-term power supply agreements sa abot-kayang presyo, napapababa natin ang singil nang hindi isinasakripisyo ang kalidad at reliability ng serbisyo,” dagdag niya.
Habang nananatiling malaking isyu ang presyo ng kuryente para sa mga pamilyang Pilipino, pinatutunayan ng karanasan ng MORE Power at Negros Power ang kahalagahan ng professionalized utility management, transparent procurement, at market-savvy operations — mga hakbang na hindi lamang nakakabuti sa utility kundi, higit sa lahat, nagdadala ng direkta at konkretong benepisyo sa mga konsyumer ng kuryente.