Connect with us

Regional News

SC, tuluyang ibinasura ang apela ng Electric Cooperative; More Power, aprubado na ang franchise expansion

Published

on

TULUYAN nang ibinasura ng Korte Suprema ang apela ng Iloilo Electric Cooperative I (ILECO I) at ng Philippine Rural Electric Cooperatives Association (PHILRECA) kaugnay ng pagpapalawak ng prangkisa ng MORE Electric and Power Corporation o MORE Power.

Sa resolusyong inilabas noong Mayo 20 at natanggap ng mga kinauukulang partido nitong Hunyo 13, pinagtibay ng Korte Suprema ang konstitusyonalidad ng Republic Act No. 11918, na nagpapalawak sa operasyon ng MORE Power mula Iloilo City patungo sa 15 karatig-bayan at lungsod ng Passi.

Ayon sa Korte, naresolba na sa naunang desisyon ang lahat ng pangunahing isyung legal kaya’t “DENIED WITH FINALITY” ang mga inihaing mosyon para sa muling pagdinig.

“Napagpasyahan ng Korte, sa parehong boto, na ibasura nang tuluyan ang Motion for Reconsideration dahil natalakay na ang mga pangunahing isyu at walang bagong argumento upang baligtarin ang naunang desisyon,” pahayag ng mga mahistrado.

PANALO PARA SA MGA KONSYUMER

Lubos naman ang pasasalamat ni Roel Z. Castro, President at CEO ng MORE Power:

“Ipinapakita ng desisyong ito ang tagumpay ng batas at tinig ng taumbayan. Matagal na ring hinihintay ng maraming konsyumer ang modernong, maaasahan, at episyenteng serbisyo ng kuryente.”

Ang isinampang kaso ay laban sa Republic Act No. 11918, na naipasa noong Hulyo 2022, at nagpapalawak sa service area ng MORE Power upang maisama ang mga bayan ng Alimodian, Anilao, Banate, Barotac Nuevo, Dingle, Dueñas, Dumangas, Leganes, Leon, New Lucena, Pavia, San Enrique, San Miguel, Santa Barbara, Zarraga, at ang Passi City.

Ayon sa mga petitioner, labag umano ito sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA) at sa kanilang mga karapatang konstitusyonal. Ngunit giit ng Korte Suprema, hindi eksklusibo ang mga prangkisa at may kapangyarihan ang Kongreso na amyendahan o palawakin ang mga ito para sa kapakanan ng publiko.

MAKABAGO AT MODERNONG SERBISYO, PAGPAPALAWAK

Nakatakdang ipatupad ng MORE Power ang expansion sa loob ng 4 hanggang 5 taon, kung saan bibigyang-priyoridad ang infra upgrades, power reliability, at customer service sa mga bagong sakop na lugar.

Maraming lokal na opisyal at consumer groups ang nagpahayag ng suporta sa pagpasok ng MORE Power, lalo’t matagal na silang may reklamo sa serbisyo ng kasalukuyang kooperatiba.

Sa Iloilo City pa lang, kapansin-pansin na ang mas mahusay na serbisyo, mas maayos na presyo, at transparency mula sa MORE Power.

TAGUMPAY SA REPORMA SA ENERHIYA

Itinuturing ng marami na makasaysayan ang desisyong ito, bilang bahagi ng pambansang hakbang upang paigtingin ang serbisyo ng kuryente at isulong ang patas na kumpetisyon sa industriya ng power distribution.