Sports
Manny Pacquiao, pumirma na sa Paradigm Sports Management
Pumirma na si eight-division world champion Manny Pacquiao sa Paradigm Sports Management na siya ring humahawak kay Mixed Martial Arts superstar Conor McGregor.
Mismong ang kampo ni Pacquiao ang nagkumpirma kahapon kung saan pormal na itong inanunsyo ng Paradigm Sports Management sa kanilang Twitter account.
Kaya naman mas lalong umugong ang posibleng pagtutuos nina Pacquiao at McGregor para sa isang mega fight.
Mainit na tinanggap ng Paradigm Sports Management sa kanilang pamilya ang Pinoy champion na itinuturing na greatest boxer of allº time at kasalukuyang nagmamay-ari ng World Boxing Association (WBA) welterweight belt.
“We’re very excited to announce that Manny Pacquiao has signed with PSM for full service representation! Manny is one of the greatest boxers of all time & we look forward to working with Arnold, Ping and the rest of the team back in Manila to maximize his historic career,” ayon sa post ng Paradigm Sports Management.
Pag-aari ni Audie Attar ang Paradigm Sports Management na siya ring humahawak sa ilang kilalang atleta sa mundo gaya ng American Football players at mixed martial artists.
Maliban kay McGregor, hawak din ng Paradigm Sports Management sina world champion Cristiane Justino at UFC king Israel Adesanya.
Bukas-palad din ang pagsalubong ni Attar kay Pacquiao.
Sabik na si Attar na makasalamuha ang Team Pacquiao para sa mga susunod na malalaking proyekto nito.
“Incredibly proud to announce that @ParadigmSM is officially representing Manny Pacquiao. I’d like to thank everyone involved in this, including our partners Arnold, Ping, Atty Brando, Jayke and the rest of Team Pacquiao back in Manila. Cannot wait to work together,” ani Attar.
Nilinaw naman ni Brando Viernesto, ang legal adviser ni Pacquiao, na bahagi pa rin ang Pinoy fighter ng Premier Boxing Champions (PBC) ngunit wala na itong natitirang laban sa ilalim ng PBC.
Sa Hunyo o Hulyo ang target na pagbabalik-aksyon ni Pacquiao at wala pang linaw kung sino ang lalabanan niya. – Philstar.com