Sports
SASAKYAN NI GOLFING LEGEND TIGER WOODS, GUMULONG AT NAG-CRASH SA GILID NG KALSADA: WOODS, SASAILALIM SA OPERASYON SA BINTI
Isinugod sa ospital si golfing legend Tiger Woods ngayong umaga matapos gumulong ang kanyang sinasakyang SUV sa gilid ng kalsada.
Bandang 7:12 ng umaga US time nang rumesponde ang The Los Angeles County Sheriff’s Department sa may kahabaan ng Rolling Hills Estates at Rancho Palos Verdes sa California.
Ayon sa LA County Sheriff’s deputy, isang tow truck ang humila sa sasakyan ni Woods na nagtamo ng “major damage.”
Matapos ang retrieval ng sasakyan ay gumamit naman ang mga paramedics ng jaws of life upang matanggal si Woods, sa loob ng kotse. Nag-iisa lamang si Woods sa sasakyan.
Isinugod ang golfer sa Harbor-UCLA Medical Center sakay ng ambulansya at ayon sa mga opisyal na nagresponde, hindi naman life-threatening ang mga pinsalang kanyang natamo.
Ayon naman sa agent ni Woods, nagkaroon ito ng multiple leg injuries tulad ng basag na bukong-bukong at dalawang bali sa binti. Isa sa mga bali niya at compound kaya kinailangang sumailalim ni Woods sa operasyon.
Ayon pa sa sheriff’s deputy, nailigtas ang buhay ni Woods dahil sa seat belt na kanyang suot at sa airbag na na-activate nang mangyari ang crash.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nasangkot si Woods sa car crash.