Connect with us

Tech

LG ELECTRONICS, ITITIGIL NA ANG PAGGAWA AT PAGBEBENTA NG SMARTPHONE

Published

on

LG Smartphones
Larawan mula sa reportr.com

Isasara na ng LG Electronics ng South Korea ang kanilang mobile division dahil umano sa pagkalugi.   Sila ang kauna-unahang major smartphone brand na aalis sa merkado.

Ang kanilang desisyon na mag-pull out ay magbubukas ng pagkakataon para sa mga malalaking smartphone companies tulad ng Apple and Samsung Electronics na makuha ang 10 porsyentong  share ng LG sa North American market.

Umabot na sa anim na taong nalulugi ang mobile division ng LG at nakapagtala na sila ng halos $4.5 bilyong kalugihan.

Ayon sa pahayag ng LG, ang pag-alis nila sa merkado ay makatutulong na maituon ang kanilang atensyon at pondo sa mga growth areas ng kumpanya tulad ng electric vehicle components, connected devices at smart homes.

Noong maganda pa ang kalagayang ng negosyong LG, nangunguna sila sa mga inobasyon tulad ng ultra-wide angle cameras at noong 2013 ay naging pangatlo sila sa pinakamalaking smartphone manufacturer sa mundo.

Subalit, paglipas ng mga taon ay sunod-sunod na nakaranas ng mga software at hardware mishaps ang mga flagship models ng LG na mas pinalala pa ng mabagal na software updates.  Dahil dito ay humina na ang hatak ng LG smartphones sa mga konsumidor.

Pinuna rin ng mga analysts ang kawalan ng marketing expertise ng kumpanya na hindi tulad ng kanilang mga kakompetensyang Chinese brands.

Sa kasalukuyan, ang global share ng LG ay 2 porsyento lamang.  Nakapaglabas sila ng 23 milyong smartphones noong nakaraan taon na di hamak na mas mababa sa 256 milyon ng Samsung.

“In South America, Samsung and Chinese companies such as Oppo, Vivo, and Xiaomi are expected to benefit in the low to mid-end segment,” ani Park Sung-soon, isang analyst sa Cape Investment & Securities.

Ang smartphone division ng LG, na siyang pinakamaliit sa limang division ng kumpanya, ay nagpapasok lamang ng 7 porsyento ng kabuuang kita ng kumpanya.  Isasara na ang division na ito sa ika -31 ng Hulyo sa  taong ito.

Patuloy pa ring magbibigay ng service support at software updates para sa mga konsumidor ng kanilang mga produkto.  Ang haba ng pananatili ng mga serbisyong ito ay magkakaiba, depende sa lugar o rehiyon.

Continue Reading