Tech
Pag-aaral ng Wika, Pinabilis ng Neuralink Brain Implant
Arizona, USA — Si Noland Arbaugh, isang 30-taong gulang na residente ng Arizona, ang kauna-unahang tao na tumanggap ng brain-computer interface mula sa Neuralink, isang makabagong teknolohiya na nilikha ng kompanya ni Elon Musk.
Matapos siyang maparalisa mula balikat pababa dahil sa isang diving accident noong 2016, si Arbaugh ay nagsimula sa isang kamangha-manghang paglalakbay ng pag-aaral at paggalugad gamit ang implant na ito.
Noong Enero 2023, isinagawa ang implant ni Arbaugh sa pamamagitan ng isang robotic surgery bilang bahagi ng unang human trial na inaprubahan para sa Neuralink.
Tinatawag na “Eve,” ang brain-computer interface na ito na sumasalamin sa direktang komunikasyon sa pagitan ng utak ng tao at mga computer. Ang device ay binubuo ng network ng manipis at flexible na mga thread na itinalaga sa motor cortex ng utak at may kabuuang 1,024 electrodes para magpadala ng neural data via Bluetooth.
Itinatampok ni Arbaugh ang kanyang dedikasyon sa pag-aaral ng bagong lingguahe, kung saan gumugugol siya ng tatlong oras araw-araw sa pag-aaral ng French at Japanese. Bukod pa rito, muli siyang nag-aaral ng mathematics, nagbabasa ng malawak, at nagsusulat ng mga malikhaing akda. Kasama sa kanyang binabasa sina Brandon Sanderson, Stieg Larsson, J.R.R. Tolkien, at Victor Hugo.
Sa kabila ng mga unang aberya sa implant kung saan may ilang threads na umatras at nagdulot ng pagkawala ng functionality nito, naibalik ng mga engineers mula sa Neuralink ang karamihan sa kakayahan nito sa pamamagitan ng pag-adjust sa algorithms.
Ito ay nagbigay-daan kay Arbaugh na ipagpatuloy ang kanyang mga layunin sa edukasyon at makipagtulungan sa mga tauhan ng Neuralink sa mga eksperimento para mapabuti ang teknolohiya.
Gumugugol siya ng apat na oras araw-araw sa pasilidad ng Neuralink para sa iba’t ibang gawain at eksperimento. Kabilang dito ang training para magamit ang iba’t ibang body movements para sa mga computer functions tulad ng clicking at typing, at mental na pagsasaliksik sa paghawak ng lapis upang makagawa ng keystrokes sa screen.
Sa hinaharap, umaasa si Arbaugh na makabalik sa unibersidad at posibleng tutukan ang neuroscience, base sa kanyang natatanging karanasan sa teknolohiyang ito.
May pangarap din siyang magtayo ng charity at magpatayo ng bahay para sa kanyang mga magulang. Ang tagumpay ni Arbaugh hindi lamang nagpapakita ng potensyal na pagbabago mula sa brain-computer interfaces kundi nagbibigay din ito ng pag-asa para sa hinaharap na mga pag-unlad na makakatulong nang malaki sa buhay ng mga taong may kapansanan.
Photo: Screengrab at Aeye Youtube Channel