Tech
PLANO NG FACEBOOK NA MAGLABAS NG INSTAGRAM PARA SA MGA BATA, UMAANI NG BATIKOS
Umaani ng batikos ngayon ang plano ng Facebook na maglunsad ng Instagram app na para lamang sa mga bata edad 13 pababa.
Nito lamang Lunes ay nagpadala ng isang liham ang 44 na state attorneys general sa Estados Unidos kay Mark Zuckerberg, CEO ng Facebook.
Hinihingi nila sa nasabing liham na itigil na ng Facebook ang kanilang planong maglunsad ng Instagram para sa mga bata.
Nakapaloob sa liham ng mga attorney general na maaaring hindi pa gaanong naiintindihan ng mga bata kung ano ang mga bagay na akmang i-share sa internet. Hindi rin umano nila nauunawaan ang mga maaaring kahihinatnan ng kanilang mga ipu-post sa social media.
Sa kasalukuyan ay ipinagbabawal ng terms of service ng Instagram na gumawa ng account ang mga batang edad 12 pababa. Subalit, walang mahigpit na age verification system ang Instagram upang matukoy kung sino nga ba ang dapat payagang gumamit ng platform na ito.
Ayon sa pahayag ng Facebook, ang binubuo nilang bagong platform ay para lamang sa mga bata at bibigyan nito ang mga magulang ng mas maigting na kakayahang kontrolin at bantayan ang mga ginagawa ng kanilang anak sa internet.
Marami naman ang hindi naniniwala sa layuning ito ng Facebook at sinasabing isa lamang itong paraan upang mai-market nang mas maaga ang mga bata.