Trend Online
17-anyos na Binata mula Roxas City-Capiz, Viral sa kaniyang quarantine painting
Viral ngayon sa social media ang painting na ito ni John Cyril Dojaylo, 17-anyos, ng Dinginan, Roxas City, Capiz. Tinawag niya itong “Me, Myself, and I”.
“Para po sa akin kapag nagpi-painting ako, para yong painting ang bumubuo sa akin at sa buong kalooban ko; parang yon din ang bumubuo sa buhay ko,” pahayag ng binata.
Makikita sa painting na ito na yari sa acrylic paint at canvass ang representasyon ng maylikha habang ipinipinta niya ang kaniyang sarili at ang pinipinta niya ay ipinipinta rin siya.
Ginawa niya itong profile picture at sa hindi niya umano inaasahan ay kagigiliwan ito ng mga netizen bagay na sobra niyang ipinagpapasalamat.
Sa panayam sa kaniya ng Radyo Todo Capiz, sinabi ni John Cyril na mag-iisang taon palang siyang nagpipinta at ilan sa kaniyang mga likha ang naibenta narin niya.
Makikita sa balkunahe ng bahay hanggang sa loob ang mga nakasabit na mga likhang sining niya. Mga ibon, tigre, mga larawan niya at kaniyang pamilya, kalikasan na halos detalyado ang pagkakagawa.
Si John Cyril ay panganay sa dalawang magkakapatid, anak ng mag-asawang sina Paulino at Aileen.
Aniya nagmana siya sa kaniyang ama. Ang kaniyang tatay ay nagpipinta noon pero nahinto maraming taon na ang lumipas dahil sa kahirapan.
Nabatid na magi-Grade 12 na si John Cyril sa susunod na pasukan. Aniya kukunin niya ang kursong Architecture kapag nagkolehiyo na siya.
Mensahe niya sa mga may potensiyal na mga painters na huwag sumuko at sa halip ay gawing inspirasyon ang mga panunukso hanggang sa aniya ay hanggang sa lumakas nang lumakas.