Weather
Maaaring maging Bagyo ang kasalukuyang LPA ngayong Martes, ayon sa PAGASA
MANILA, Philippines — Patuloy na binabantayan ng PAGASA ang isang Low Pressure Area (LPA) na inaasahang maaaring maging isang bagyo sa araw ng Martes. Ayon sa pinakahuling taya, huling namataan ang LPA sa layong 925 kilometro silangan hilagang-silangan ng Mindanao.
Wala pa ring direktang epekto sa kasalukuyan ang LPA sa anumang bahagi ng bansa. Subalit, patuloy pa rin ang malakas na pag-ulan sa Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Central Luzon at Western Visayas dahil sa habagat. Ang nalalabing bahagi ng bansa ay makakaranas din ng pag-ulan dulot ng habagat at localized thunderstorms.
Oras na maging bagyo, ito ay tatawaging ‘Egay’. Sa mga nakaraang kaso, tulad ng Bagyong ‘Chedeng’, maaaring lalong lumakas ang isang bagyo habang patuloy itong kumikilos. Sa kaso ng Bagyong ‘Chedeng’, ito ay namuo sa silangan ng Visayas at unti-unti itong lumakas hanggang sa maging isang tropical storm.
Ayon sa PAGASA, maaaring umabot sa 15 bagyo ang makakapasok sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR) hanggang Oktubre kahit na nakaamba pa rin ang banta ng El Niño phenomenon sa bansa.
Samantala, patuloy ang pagtaas ng water level sa mga dam maliban sa Binga Dam sa Benguet. Sa kaso ng Angat Dam sa Bulacan, umabot na ito sa minimum operating level dahil sa mga nararanasang pag-ulan sa may Angat watershed dulot ng habagat.
Patuloy ang panawagan ng mga awtoridad sa publiko na manatiling alerto at handa sa anumang posibilidad na dulot ng patuloy na pag-ulan at posible na pagdating ng Bagyong ‘Egay’.