Aklan News
P100M, POSIBLENG MATATAPYAS SA KOLEKSYON NG BIR-AKLAN DAHIL SA COVID-19
Kalibo, Aklan – Tinatayang aabot ng P100 million ang mababawas sa koleksyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) dahil sa epekto ng Coronavirus Disease (COVID-19) sa tanyag na isla ng Boracay.
Ito ang ipinahayag ni Revenue District Officer Nelia Demalata sa panayam ng Radyo Todo, na naabot pa nila ang kanilang target na koleksyon sa unang dalawang buwan ng taon pero hindi na gaano kalaki ang sobra sa kanilang nakolekto gaya ng nakaraang taon na may 20% excess sa kanilang target na halaga.
Nag-uumapaw na P1.9 billion ang buwis na nakolekta ng BIR nitong nakaraang taon na mas mataas ng 20% sa kanilang goal na P1.7 bilion.
Target naman ngayong taon ng BIR Aklan na makakolekta ng P1.7 billion ngunit pingangambahan nila na maapektuhan ito ng pagkalat ng COVID-19.
Ang sakit na COVID-19 ay nagmula sa bansang China, kumalat na ito sa iba pang mga bansa lalo na sa South Korea na kinailangan na ring magdeklara ng outbreak dahil sa pataas na bilang ng kaso sa bansa.
Unang nagdeklara ng travel ban ang gobyerno sa lahat ng biyahe papunta at palabas ng China, di nagtagal ay pinairal na rin ang ban pati sa ilang lugar sa South Korea.
Ang Chinese at Korean nationals ang nangunguna sa listahan ng mga dayuhan na bumibisita sa Boracay Island na malaki ang nai-ambag sa industriya ng turismo.