Connect with us

National News

Marcos: Balitang Resignasyon ni Gibo Teodoro, ‘Fake News’

Published

on

Marcos: Balitang Resignasyon ni Gibo Teodoro, 'Fake News'

Pinabulaanan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang mga kumakalat na tsismis tungkol sa umano’y pagbibitiw ni Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro Jr. mula sa kanyang posisyon, na tinawag niyang “fake news.”

Habang nasa isang kaganapan sa Navotas City, nilinaw ni Marcos na walang mga pagbabago sa kanyang gabinete at ang mga kumakalat na balita na pag bibitiw ay gawa-gawa lamang ng “mga desperadong indibidwal” na nais magdulot ng kalituhan at pagkagulo.

“Fake news yan, may mga desperado na gumagawa ng storya, wala naman silang naibibigay at naitutulong sa buhay ng mga mamamayang Pilipino,” sabi ng Pangulo.

Hinimok niya ang publiko na maging maingat at huwag agad-agad maniwala sa mga hindi beripikadong impormasyon, lalo na mula sa mga anonymous na pinagmumulan sa social media.

Ibinahagi ni Marcos na nag-usap sila ni Teodoro tungkol sa isyu at nasabi na lamang nila na nakakatawa ang tsismis ng pagbibitiw ng Defense Secretary. Biro nga ni Teodoro kung plano daw ba siyang tanggalin ng Pangulo. “Bakit kita tatanggalin kung wala namang problema?” tugon ni Marcos.

Binigyang-diin ng Pangulo na anumang pagbabagong gagawin sa gabinete ay opisyal na iaanunsyo ng pamahalaan, hindi sa mga walang basehang post online. Sa ngayon, tiniyak ni Marcos sa publiko na walang pagbabago sa komposisyon ng kanyang pamahalaan.

“Maging panatag kayo, kung magkakaroon man ng anumang pagbabago sa Gabinete o pamahalaan, kami ang unang mag-aanunsyo,” wika niya. “Pero sa ngayon, walang nagbago.”