Connect with us

Aklan News

PERYAHAN NG BAYAN OWNER PINABULAANAN NA WALANG APPROVAL MULA SA OPISINA NG PANGULO ANG KANILANG OPERASYON

Published

on

PERYAHAN NG BAYAN OWNER PINABULAANAN NA WALANG APPROVAL MULA SA OPISINA NG PANGULO ANG KANILANG OPERASYON

PINABULAANAN ni Atty. Bernard Vitriolo, Vice President at Legal Counsel ng Global-Tech Online Gaming Corporation at operator ng  Peyahan ng Bayan na walang approval mula sa Office of the President ang kanilang operasyon.

Ito ang tugon ni Atty. Vitriolo sa sulat na ipinadala ni Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma kay Aklan Police Provincial Director PCol. Crisaleo Tolentino na gusto ipahinto ang operasyon ng Peryahan ng Bayan sa lalawigan ng Aklan.

Aniya, noon pa ito ginagawa ni GM Garma kung saan pinapadalhan niya ng ganitong sulat ang mga bagong upo na provincial director or city director ng Philippine National Police (PNP).

“pag yang sulat po ni GM Garma, ay ‘yan po ‘yong paulit-ulit lamang na sinusulat sa mga bagong upo na provincial director or city director ng ating PNP.”

“Sa katunayan, kaya ‘yan sumulat sa ating PNP sa Aklan…kay provincial director Crisaleo Tolentino dahil sa bagong upo lamang si PD Tolentino kaya ini-inform siya ng lumang sulat po…bagong sulat na luma ang nilalaman. Iyan po yung sinasabing wala tayong approval ng Office of the President,” saad ni Vitriolo.

Dagdag pa ni Vitriolo ito ay dahil sa kinokontra ni Garma ang final and executory decision ng Court of Appeals kung saan legal umano ang operasyon ng Peryahan ng Bayan sa buong bansa.

“Hindi po puwedeng kontrahin ng Office of the President or ni GM Garma ang kautusan ng korte na final at executory dahil po meron po tayong tinatawag sa ating constitution na separation of power. Ang executive po, ang legislative at ang judiciary co-equal po iyan”, dagdag nito.

“Nagsalita na po ang ating judiciary…ang korte na ang peryahan ng bayan ay puwedeng makapaglaro kaya hindi po puwedeng kontrahin ng office of the president or ng ating GM Garma sa PCSO. Maling-mali po yan, wala silang power na kontrolin ang final at executory decision ng court of appeals dahil ang peryahan ng bayan at ang PCSO ay nagkasuhan na po yan sa korte at natalo nga po ang PCSO. Kapag natalo ka na po, hindi ka na po puwedeng gumawa ng mga order, pamamaraan para ibalik mo yung gusto mo… o gawin mo yong gusto mo,” paliwag ni Atty. Vitriolo.

Pagdidiin nito na isang panggigipit ang ginagawa ngayon ng PCSO sa kanila, na pinapahinto sila sa kanilang operasyon ngunit hindi nila ito maaaring sundin dahil mayroon ng kautusan ang korte ukol dito.

“Para po yung ginagawa ngayon ng PCSO, pinapahinto po tayo, hindi po nila puwedeng gawin yon dahil meron ng kautusan ang korte,” ani nito.