Aklan News
Senior citizen, na ‘love scam’ ng P100K ng umano’y boyfriend na nagpakilalang Amerikano
Isang 69-anyos na senior citizen sa Kalibo ang nabiktima ng ‘love scam’ matapos siyang mahulog sa bitag ng umano’y boyfriend na Amerikano.
Humigit-kumulang P100,000 ang perang naipadala ng biktima sa kanyang umano’y nobyong military doctor na tatlong taon na niyang karelasyon.
Salaysay ng biyudang biktima sa Radyo Todo, nakilala niya ang kanyang boyfriend na nagpakilalang si Rain John David sa Facebook.
Nag-uusap raw sila sa pamamagitan ng chat at tawag pero sa loob ng tatlong taon ay hindi nagpakita ng mukha sa video call si David.
Nagsimula raw itong manghingi ng pera ngayong taon dahil sa kagustuhan nitong makauwi ng Pilipinas para mapakasalan siya.
“Gusto na nga mauli iya dahil gusto na magpakasae kakon, anang kwan hay bayran kuno anay ana nga mga atraso idto, dahil ngani nga uwa matapos ana konrata hay bayran nakon ag pag-abot na iya hay imaw mabayad,” saad nito.
Umasa naman dito ang biktima kaya nangutang ito ng pera na umabot sa higit-kumulang kabuuang P100,000 at ipinadala sa Palawan Pawnshop sa umano’y mga agent nito.
Nangako rin umano si David na babayaran ang lahat ng perang naipadala niya kapag nakauwi na ito ng Pilipinas.
Pero naaksidente raw ito at muli na namang nanghingi ng pera para ipambayad sa mga hospital bills.
Kalaunan ay nagduda na ang biktima na hinuhuthutan lang siya ng pera ng kanyang boyfriend kaya minabuti nitong ipa-blottter ang insidente sa Kalibo PNP.