Health
Inaasahan pang tataas ang mga kaso ng COVID-19 sa mga susunod na araw ayon sa ilang eksperto dahil sa Delta Variant
Ayon sa ilang eksperto, inaasahang tataas pa ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa sa mga sususnod na araw, at posibleng epekto na ito nang pagkalat ng Delta variant.
Naayon naman ang bilang na naitalang kaso ng COVID-19 kahapon na pumalo sa 22,366 sa prediksyon ng ilang eksperto. Ngunit tila napaaga ang bilang na ito dahil inaasahang sa sususnod na buwan pa ito maitatala.
Sa panayam ng ABS-CBN (Rafael Bosano) kay Edson Guido ng ABS-CBN News Data Analytics, sinabi nito na;
“Ang forecast ko nga po talaga today ay lalagpas po tayo ng 20k cases, pero I will admit that I did not expect 22k po talaga. This is definitely worse than expected unfortunately. Yung NCR tumataas nanaman yung cases, we are seeing numbers that are highest in over four months sa Metro Manila, pero hindi lang sya yung rason, and we are seeing record high numbers across the different regions.”
AYON SA NUMERO
Isa sa nakikitang dahilan ng pagdami ng COVID cases sa Metro Manila at Calabarzon ay ang community transmission ng Delta Variant. Sa mga nagdaang resulta ng gynome sequencing, mas marami nang samples ang nakikitang positibo sa variant na ito.
Sa pinaka huling batch na inilabas ng UP Philippines Genome Center Biosurveillance Report, mula sa 748 na samples na isinailalim sa sequencing, 516 dito ay Delta variant.
Lumalabas na halos 7 sa bawat 10 sample ng mga taong na-sequence, delta variant ang dahilan ng pagkakasakit.
Umaabot na din sa 27.9% ang positivity rate ng Pilipinas, malayo ito sa benchmark ng World Health Orgaization na 5% lamang.
DELTA VARIANT POSIBLENG KALAT NA
Sinabi rin na hindi malabong mas marami pa sa kasalukuyang tala ang may COVID-19, ito ayon sa pahayag ni Infectious Disease Specialist Dr.Rontgene Solante,
Kaya para kay Dr. Solante, maaring hindi lamang sa NCR at Calabarzon laganap ang variant na ito. Dahil na rin sa nakikitang paghahawaan ng magkakapamilya o magkakasama sa tahanan.
” The secondary attack of households sa Delta is really high compared to the non-household attack…Ang hinala ko rito, Delta is already nationwide, ” ayon kay Dr.Solante.
Bakit marami pa rin ang nagpopositibo sa COVID-19? Isa sa mga dahilan ay tinatago ng iba ang kanilang nararamdaman. May iba naman na magpapakonsulta na lang kung malala na ang nararamdaman at mga sintomas ng sakit.
Dahil dito, ipinayo ng mga doktor ang “heath-seeking behavior” para sa oras na makaramdam ng sintomas, maabisuhan o masabihan na ang may sakit sa mga dapat nitong gawin.
Ayon din kay Dr. Solante, importante rin na mapataas ang bilang ng mga taong na te-test para sa COVID-19, bagay na ayon kay Dr. Solante ay iniiwasan ng ilan dahil sa karagdagang kaakibat na gastos.
“If they will offer the test for free, I think that will be very important. Malaking bagay kung maibibigay ng gobyerno nang libre ang test”. ani ni Dr. Solante.
POSIBLENG BUMABA
Ayon naman kay Prof. Guido David ng OcTA Research Group, bababa rin ang reproduction rate o bilang ng nahahawaan sa Metro Manila sa kalagitnaan ng Setyembre.
“Baka by September 13 to 14, based on our projections baka bumaba na to less than 1 yung reproduction numbers. Kung magkakaron na ng downward trend sa Metro Manila ay mag pe-peak na din yung bilang ng kaso natin sa below 25k. Pero may mga nagsasabi kung hanggang 30k, wala pa naman yan sa nakikita natin ngayon” ani ni Prof. David.
(With reports from Rafael Bosano, ABS-CBN News)