Connect with us

National News

DEPED, HANDA NA SA PAGBUBUKAS NG KLASE SA SETYEMBRE 13, BUKAS SA POSIBILIDAD NG LIMITED FACE-TO-FACE CLASSES — SEC. BRIONES

Published

on

“Sobrang sapat ang level ng preparation ng DepEd sa muling pagbubukas ng klase ngayong Setyembre 13.”

Ito ang inihayag ni Department of Education Secretary Leonor Briones sa ginanap na virtual Regional Press Conference ngayong araw, Agosto 31, 2021.

Base sa tala ng kagawaran kaninang alas 2 ng madaling araw, umabot na sa 12, 697, 558 ang bilang ng mga nagpa-enroll. Ito ay halos kalahati na ng bilang ng mga nagpatala noong nakaraang taon.

Tumaas umano ang bilang ng mga nagpatala sa mga pampublikong paaralan ngayong taon at ayon kay Sec. Briones, dulot ito ng kasalukuyang lagay ng ekonomiya ng bansa bunsod na rin ng kinakaharap nating pandemya.

Nagkaroon umano ng migration kung saan marami sa mga dating nag-aaral sa pribadong paaralan ay nagpasyang lumipat sa public school.

Samantala, sinabi rin ni Briones na bukas ang DepEd sa posibilidad ng pagkakaroon ng face-to-face classes sapagkat isa itong mahalagang bahagi ng blended learning.

Subalit may mga kailangan umanong ikonsidera bago payagan ang limited face-to-face classes.

“Keeping children safe is a shared responsibility,” ayon kay Briones.

Aniya, kailangan umanong may pahintulot ito ng Inter-agecy Task Force (IATF), Department of Health (DOH) at mga local government units (LGU) na kinabibilangan ng paaralan.

Ayon naman kay DepEd Undersecterary Diosdado San Antonio, kinakailangang nasa lugar na may mabababang kaso ng COVID-19 ang paaralan.

Importante rin umano na ang pagdalo ng mga bata sa face-to-face classes ay may pahintulot ng mga magulang at may malakas na suporta mula sa mga lokal na pamahalaan.

“Sisiguruhin nating hindi ito (face-to-face classes) magiging dahilan ng paglala ng COVID-19. Kahit napili na ang paaralan para sa limited face-to-face, kung hindi kalmado ang mga magulang ay hindi natin pipilitin. Magiging distance learning pa rin ang paaralan”.

Iginiit din ni Sec Briones na maingat ang kagawaran sa pagpapasya kung ang isang paaralan ay papayagan nang magsagawa ng limited face-to-face classes.

Continue Reading