Connect with us

Sports

Arnel Mandal tumiyak ng silver para sa Pinas

Published

on

Isang silver at tatlong bronze medals ang natiyak ng Team Philippines mula sa wushu at tennis matapos malasin ng medalya nitong noong Martes sa nagpapatuloy na 19th Asian Games sa Hangzhou, China.

Sa score na 2-0, natiyak ni sanda fighter Arnel Mandal ang pilak matapos talunin ang pambato ng Kyrgyzstan na si Avazbek Amanbekov mula semifinals patungo sa finals ng men’s sanda 56 kilogram.

Matapos ang 0-2 kabiguan kay Samuel Marbun ng Indonesia sa semis ng men’s 65 kilogram nagtapos naman sa bronze medal si Clemente Tabugara.

Samantala, hindi naman pinalaban ng wushu association si G­ideon Fred Padua sa semis ng men’s 60 kilogram matapos na magkaroon ng injury sa quarterfinals match kung kaya’t kaya bronze na lamang ang kanyang nakuha.

Wala namang medalyang natusok si Johnzenth Gajo sa finals ng men’s daoshu at gunshu all-around.

Sa pagkapasok ni Pinay tennis player Alex Eala sa semifinals nakuha nito ang 0-6, 7-5, 6-0 panalo laban kay Okamura Kyoka ng Japan sa quarterfinals at tumiyak ng tanso.

Lalabanan ni No. 4 seed Eala sa semis si top seed Zheng Qinwen ng China na sinibak si Park Sohyn ng South Korea, 7-6 (4), 6-0 sa quarters.

Bigo si 2018 Asiad champion Margielyn Didal na maidepensa ang kanyang gold sa women’s street skateboarding nang hindi makumpleto ang kanyang routine sa finals.

Kulelat ang 24-anyos na Cebuana skater sa walong finalists kagaya ni Renzo Mark Feliciano sa finals ng men’s street event.

Ngayong alas-11 ng umaga ay nakatakdang labanan ng Gilas Pilipinas ni coach Tim Cone ang Thailand kung saan target nila ang 2-0 record sa Group C.

Pinadapa ng Gilas U23 team ang Hong Kong, 21-15, para sa 3-0 baraha sa men’s 3×3 tournament.

Umiskor si Janine Pontejos ng 21 points tampok ang pitong triples para igiya ang Gilas Women sa 83-59 paglampaso sa Kazakhstan.

Hindi rin nakakuha ng medalya si Kursten Rogue Lopez sa pagiging 13th placer sa women’s all-around finals ng artistic gymnastics at sina taekwondo jins Arven Alcantara, Laila Delo at Dave Cea.