Aklan News
Lalaki arestado matapos tagain ang kanyang katrabaho dahil sa larong mobile legends


KULUNGAN ANG BAGSAK ng isang lalaki matapos nitong tagain ang kanyang katrabaho dahil lamang sa larong Mobile Legends sa barangay New Buswang, Kalibo nitong Sabado ng gabi.
Kinilala ang suspek na si Arlon Damian, tubong Balete, Aklan ngunit pansamantalang naninirahan sa kanyang pinagtatrabahuhang shop sa naturang lugar.
Ayon kay Damian, inagaw umano ng biktima na si Jomer Delos Reyes, 24-anyos at residente ng barangay New Buswang ang cellphone ng isa pa nilang katrabaho na naglalaro ng Mobile Legends.
Pinagsabihan niya umano ang biktima na ibalik ang cellphone pero nagalit ito.
Dahil dito ay akmang magsusuntukan sana ang dalawa ngunit napigilan lamang.
Matapos nito ay umuwi na lamang ang suspek sa tinutuluyan bahay ngunit hindi niya inakala na susunod sa kanya ang biktima at saka siya sinaksak ng basag na bote sa kanyang may tagiliran.
Bilang depensa umano, kumuha si Damian ng itak at tinaga sa ulo ang biktima.
Masuwerte namang hindi napuruhan ang biktima at kaagad namang nakalabas ng ospital matapos magamot.
Samantala, nasa kustodiya naman ngayon ng Kalibo PNP si Damian para sa karampatang disposisyon.